banayad mo na haplusin ang aking buhok gaya
ng paghaplos mo sa dungis sa mukha ng batang paslit.
hagkan mo ang aking mga labi gaya ng hagkan mo
ang landasing mapagpalaya.
yakapin mo ako ng buong higpit gaya ng
pagyakap mo sa maka-uring linya.
dahan-dahan mong hubarin ang saplot na aking suot gaya
ng hubdan mo ng kaapihan ang masang pinanawan ng pag-asa
romansahin mo ako ng buong lambing gaya ng
romansa ng pighati at pag-asa.
iulos ang sandata ng buhay gaya ng pagulos
ng kamalayan sa iyong kaisipan
angkinin mo ang aking katawan gaya ng
angkinin mo ang gawaing rebolusyonaryo.
umungol ng buong laya gaya ng mga malayang
tinig at sigaw ng pakikibaka.
at sa dulo, sabay nating abutin ang sukdulang
langit na ating parehong pinangarap.