Minsan may Isang Puta – Isang Kwento
(This story has been circulating for a long time. Was able to read it again and would like to share it to others. Author remained unnamed but who ever s/he is, I’m glad s/he wrote this.)
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. SabiĀ nila ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon.
Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito na letse ang kinabukasan ko.
Tara, makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.
Alam mo, maraming lumalapit sa akin, nagkakagusto, naaakit. Ang hirap pag lahat sa iyo virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginagago? Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na kasi hindi sila taga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na foreigners ang namiyesta sa katawan ko, na – rape daw ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko malilimutan. Parang kahit di ko ginusto and mga pangyayari, hinahanap – hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan yung mga sadistang Hapon at Coo. Kasi ibang – iba ang hagod nya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit nya ako. Ibang klase sya mag-sorry, lalo pa at kinupkop nya ako at ang mga naging anak ko.
Parating daming regalo – - may chocolates, yosi, Anu ka! May datung pa! Nakakabaliw sya, alam kong ginagamit nya lang ako pero pagamit naman ako ng pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-inggles! Di lang magsulat ha! Magbasa pa! Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang takbuhan ko. Yun nga lang, lahat ng bagay may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa ang buhay namin. Sosyal na sosyal na kami.
Ewan ko nga ba, akala ko napamahal na ko sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin,yun pala unti-unti na akong pinapatay. P*** NG I** Mo! Sa dami ng lason na sinaksak nya sa katawan ko muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabing ang tanga-tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak ko napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula. Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.
Sinikap naming lahat na maging maganda ang buhay namin. Ayun, mga nasa Japan, Hongkong, Saudi ang mga anak ko. Yung iba nag – U.S, nag – Europe. Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat wala naman silbi, masaya sa piling ko, maski daw amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya ding dami ng mga anak ko na nananamantala sa kabuhayan at kayamanan na itinabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Dumating ang panahon na hindi na kami halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay kami sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Napakasakit na tanggapin na malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay, sa mga ahas na pinakilala ng mga anak ko. Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng mga sarili kong anak kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nialng matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ang ganda ko. Pinagamit ko nalang ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang mg anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapit-bahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kasi ang isang magandang tulad ko.
Alam mo gusto ko na sana tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng lesteng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na lang ang mga anak ko na naiwan sa aking poder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga nag abroad kong anak. Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko lang ang pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napag-uusapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang luha ko ng di ko namamalayan. Ang galing nga ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali. Proud ako sa kanila. Kaso sila kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.
Sa dami ng anak ko iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw. Di nga ako kinikilalang ina. Halos lahat sila galit sa isa’t – isa. Walang gustong magtulungan, naghihilahan pa. Ang dami ko nang pasakit na tiniis pero walang sasakit pa nun sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin hindi ko na kilala ang sarili ko.
Dadating nanaman ang Pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Isang buwan pa magbabagong taon na, natatakot ako sa darating na taon. Ngayon pa lang usap-usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko.
Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!
Sige, drumadrama na ako. Masisira na make-up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako.
Ay sorry, di ko na sabi ang pangalan ko:
PILIPINAS nga pala.