Malamang sa hindi ay nasusuya na rin kayo sa mga balita tungkol kay Pacman. Kung tutuusin ay ganito naman talaga ang media sa tuwing pagkapanalo ni Pacquiao. Hindi magkanda ugagang i – angulo ang mga balita sa lahat ng maaring idikiit kay Pacquiao. Sama mo na rin ang dami ng mga patalastas na si Manny ang endorser. You know?
Ako din ay suya na sa balitang Pacquiao. (Masaya ako sa pagkapanalo ni Pacman gaya ng nauna ko nang posting pero susmaryosep naman talaga ang mainstream media, kulang na lang pati pagdighay ni Pacman eh ibalita)
Sa mga balitang pilit idinikit kay Pacman ay may ilang mga kinaaliwan ko ng husto. Una ay ang qourum ng mga tongressman sa laban ni Pacman. Kaya naman nanggagalaite ang mga kaparian, civil society at iba pa dahil ang daming dapat gawin sa kongreso eh walang mga “representatives” na bubuo ng qourum. Kaya naman thumbs up ako sa CBCP sa pagkastigo sa mga tongressman na asa US para sa laban ni Manny. Mas inuna pa ng mga damuhong ito ang humiyaw kesa sa CARPER na kailangan ng mga magsasaka.
Pangalawa, habang nagkakagulo ang buong mundo at natatakot sa AH1N1, walang takot na nangahas ang mga tongressman natin na pumunta sa US para sa laban ni Pacman. Kaya naman aliw na aliw ako sa interview ni Rep. Teddy Casino na halatang satirical ang pakunwaring concern na i-quaranteen ang mga tongressman na nanuod sa laban ni Pacquiao dahil mayroong natalang kaso ng “swine flu” sa Las Vegas.
Pangatlo, kinakastigo si Martin Nievera sa kanyang rendition ng Lupang Hinirang. Madaming nagalit at marami ding nagustuhan ang kanyang version. Sabi ng Historical Institute may batas daw na nalabag. Sabi ko naman, punta sila ng sinehan, hulihin nila lahat ng mga lumalabag sa pag-awit ng pambansang awit. Hindi rin ako fan ni Mr. Nievera pero tama lang na huwag siya humingi ng paumanhin para sa pag-awit at his best capacity. Sa aking palagay, tama si Rep. Risa Hontiveros ng AKBAYAN na dapat igalang ang creative rights ng mga artists o kahit ng sino pa man lalo na sa pagpapahayag ng damdaming makabayan.
Pangapat, walang pikit mata at kagatol-gatol na tatakbo si Manny Pacquiao sa Saranggani bilang congressman. You know? Walang makakaawat dahil sapok kay Manny ang kokontra. Pero malamang ma knock – out na naman si Manny kung may matinong alternatibo sa Saranggani. Kaya naman pala ang pakilala sa kanya ay …from the Province of Saranggani, Mannnnnyyyyy PACMAN Pacquiao (with the twang!) Ika nga ng isang kaibigan sa facebook, di nakapagtataka!
Panglima, hindi talaga ako pabor na tumakbo si Manny sa pulitika gaya ng marami pero hindi naman natin siya maawat at dahil karapatan nya rin iyon. Ang nakayayanig pa ay pagtatayo niya ng sariling local political party. Hmmm…dahil ba nadala na sa kiss of death ni PGMA? Kung iisipin, baka nga may tyansa si Manny manalo kung lalayo sya kay GMA? Abangan natin.
Ito ang classis na laro ng action, drama, comedy at pulitka. Madumi. Magulo. Nakakaaliw at nakakasuya. Period.